Tiniketan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang dalawang ambulansiya na walang sakay na mga pasyente matapos itong dumaan sa Santolan Station ng EDSA Busway.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing maagang isinagawa ng mga awtoridad ang kanilang operasyon sa nasabing station.

Pabalik na sa Cavite ang isa sa mga ambulansiyang hinarang.

Ayon sa driver nito, naghatid siya sa ng mga pasyente sa magkahiwalay na ospital.

Wala ring sakay na pasyente ang isa pang ambulansiya na papuntang Taguig.

Sinabi naman ng driver nito na naghatid din siya ng tatlong pasyente sa isang ospital.

Maliban sa dalawang ambulansiya, may ilan pang motorsiklo na napadaan din sa busway ang tiniketan ng SAICT. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News