Matapos magtambal sa pelikulang "Isa Pa With Feelings," muling magkakasama sina sina Maine Mendoza at Carlo Aquino sa Kapuso sitcom na  "Daddy's Gurl."

Sa Twitter ni Maine, makikita na nakapag-shoot na si Carlo para sa naturang sitcom bago sila dumalo sa premiere night ng kanilang pelikula.

 

 


Ang "Daddy's Gurl" na napapanood tuwing Sabado ng gabi ay pinangungunahan nina Maine, Oyo Boy Sotto, at Bossing Vic Sotto.

Sa ulat ng GMA News "Saksi," hindi ito ang unang pagkakataon na mapanonood si Carlo sa Kapuso Network.

Dati na rin umanong gumanap si Carlo sa ilang Kapuso series tulad ng "Maging Akin Ka Lamang," na halos isang dekada na ang nakalipas.

Samantala, naging star-studded ang premiere night ng "Isa pa With Feelings" nitong Martes.

Sa Star Bites report ng GMA News TV "Balitanghali," sinabing dumalo sa premier sina Vic, Pauleen Luna, Ruby Rodriguez, at Baeby Baste, at APT Entertainment at TAPE Inc. co-owner at chairman Antonio Tuviera.

Present din ang iba pang cast ng Daddy's Gurl na sina Benjie Paras at Angelika dela Cruz.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News