Nagtungo ang Kapuso actor na si Derek Ramsay sa Lipa City para personal na maghatid ng relief goods sa mga taong naapektuhan ng pag-alburoto ng bulkang Taal. Ang iba pang celebrity, nanawagan din sa kanilang followers na tumulong sa mga biktima ng kalamidad sa anumang paraan.

Sa Chika Minute report ni Iya Arellano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagtungo si Derek ang evacuation center sa Inosloban-Marawoy Elementary School sa Lipa.

Pinaunlakan din ng Kapuso actor ang mga taong nais na nagpa-picture na kasama siya.

Nalungkot si Derek at ang kaniyang pamilya sa nasalanta ng kalamidad. Napag-alaman na kasama rin ang bahay ng aktor sa Tagaytay sa mga naapektuhan ng ashfall.

Bago namahagi ng relief goods, nauna nang nanawagan si Derek sa publiko na tumulong sa kahit anong paraan na kaya nila.

Sa mga gustong mag-donate o maghatid mismo ng tulong sa mga nasalanta, nag-post din si Derek ng lokasyon ng iba pang evacuation centers sa bayan ng Lipa.

Humingi rin ng tulong si Dingdong Dantes sa publiko ng ano mang donasyon na makakaya nila.

 

Nag-post naman ng Department of Health advisory si Rocco sa mga dapat gawin kapag may ash fall o volcanic eruption.

 

 

--Jamil Santos/FRJ, GMA News