Nilinaw ni Inah de Belen na hindi siya ang gumanap na tiyanak sa pelikula ng kaniyang inang si Janice na may pamagat na "Tiyanak" noong 1988. Bukod dito, hindi rin niya alam na nagkaroon pa pala ng "ibang" anak ang kaniyang nanay.
"Ako ang tunay na anak ni Janice!" sabi ni Inah sa Episode 1 ng "Pinoy Klasiks" ng GMA Public Affairs.
Dahil naging blockbuster ang pelikula ng kaniyang ina, madalas daw na natatanong si Inah kung siya ba ang gumanap bilang ang nasabing halimaw.
"There are people who say or they ask 'Ikaw ba 'yung gumanap na tiyanak doon sa movie?' No! I wasn't born yet, 1992 ako guys. 1980 ginawa 'yung tiyanak and tignan niyo naman, manika talaga siya, manika lang siya. So it's definitely not me," ani Inah.
Hindi rin daw siya gaanong pamilyar sa pelikulang "Tiyanak" ng kaniyang ina, kaya nagtaka siya kung bakit siya binibirong "Tiyanak" ng mga tao.
"Mabalbon. So kapag inaasar nila ako lagi nilang sinasabi sa akin 'Tiyanak!' ganiyan ganiyan. So sinearch (search) ko, I asked my mom. 'Yun pala, may movie talaga siyang 'Tiyanak.' And 'yun nga 'yung laging sinasabi, 'Anak ni Janice,'" kuwento ni Inah.
"So doon ko lang na-gets kung saan talaga galing 'yun," dagdag niya.
Dahil sa pelikulang "Tiyanak", nauso ang sikat na linya na "Anak ni Janice." —Jamil Santos/KG, GMA News