Inihayag ni Super Tekla ang kaniyang pasasalamat sa anak na si Airah dahil naging matatag ito nang dumadaan ang aktor sa panibagong pagsubok sa buhay.

"Anak, alam mo naman kung gaano kita kamahal. Alam mo kung gaano ko kayo pinapahalagahan. Andito lang si daddy, salamat at hindi ka bumitaw at nauunawaan mo si daddy parati," mensahe ni Tekla sa kaniyang anak sa Kapuso Showbiz News.

Hiling ni Tekla para sa kaniyang anak na magpakabait ito at maging responsable.

"Andito lang si daddy nakaalalay sa'yo parati," anang comedian.

Kasabay nito, may pakiusap din si Tekla kay Airah tungkol sa kapatid nitong si Angelo.

"Sa kapatid mo si Angelo, alam ko kung gaano mo siya kamahal. Alam ko andiyan ka rin, alalayan natin 'yung kapatid mo kung ano ang ikabubuti sa kaniya at hindi tayo mawawalan ng love sa kaniya parati," sabi ni Tekla.

Matatandaang dumaan sa pagsubok si Tekla nang gumawa ng mga alegasyon sa kaniya ang dating partner na si Michelle Lhor Bana-ag, ngunit humantong din sa kanilang pagkakaayos.--FRJ, GMA News