Hindi napigilan ni Andrea Torres na maging emosyonal matapos siyang magbalik tanaw sa higit 10-taon na niyang pagiging Kapuso, kasabay ng pag-renew niya ng kontrata sa network.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," makikita na present online sa ceremonial renewal of contract ni Andrea sina GMA Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe Yalong; GMA Films President Annette Gozon-Valdez; Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable; Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara, at iba pang officers ng Kapuso Network.

Samantala, ipinaabot ni GMA Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon ang kaniyang mensahe kay Andrea.

Habang pinanonood ni Andrea ang mga mensahe ng kaniyang bosses, hindi niya napigilang maluha.

Nagsimula sa pagiging extra, natanggap ni Andrea ang kaniyang break sa youth-oriented show na Ka-Blog noong 2008.

Matapos nito, unti-unti nang nabigyan si Andrea ng bigating roles sa drama o comedy.

Mas nakilala pa si Andrea sa series "Sana Ay Ikaw Na Nga," "Ang Lihim ni Alessandra," "The Millionaire's Wife," "Alyas Robin Hood," "Alyas Robinhood," "Victor Magtanggol," "The Better Woman" at "Legal Wives."

Emosyonal si Andrea sa kaniyang pagbabalik-tanaw ngayong higit isang dekada na siyang Kapuso, at bumuhos pa ang luha niya sa mga mensahe ng mga mahal niya sa buhay at sumusuporta sa kaniya.

"Sila 'yung mga naniniwala sa akin. Ang sarap ng ganoong feeling, coming from a place na parang tina-try mo kahit na isang tao lang ang mag-trust sa'yo. Kaya nga sabi ko, GMA 'yung nagbigay sa akin no'n, 'yung nag-risk talaga," ani Andrea. —LBG, GMA News