Sa halip na sa July 25, iniurong sa August 8 ang coronation night ng Miss World Philippines dahil sa ipinatupad na heightened GCQ restriction sa Metro Manila.

"Miss World Philippines 2021 is postponed in compliance with the new IATF guidelines given today [Friday]. Stay safe and we’ll see you all on the 8th of August," ayon sa inilabas na pahayag ng namamahala pageant.

Gaganapin pa rin naman sa Okada Manila ang koronasyon.

Nitong Biyernes ng umaga, isinailalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang Metro Manila at apat na lalawigan sa General Community Quarantine with heightened restrictions dahil sa pangamba ng pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

Sa ilalim ng GCQ with heightened restrictions, hindi pinapayagan ang mga edad 17 pababa na lumabas ng bahay para mamasyal.

Limitado naman sa 30% capacity ang outdoor tourist attractions, habang nasa 20% capacity naman ang indoor dining at 50% ang outdoor dining.

Nakapailalim din sa GCQ with heightened restrictions ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, Davao del Norte at Davao de Oro. — FRJ, GMA News