Hindi naiwasan ng followers ng mag-asawang Chito at Neri Miranda na mag-alala na baka may pinagdadaanan ang pagsasama ng dalawa dahil magkahiwalay nilang posts.

Una rito, nag-tweet si Chito ng larawan ng broken heart na may caption na: "Akala ko walang magbabago at sobrang ok na ang lahat...pero bakit parang hindi na tulad ng dati?

Patuloy pa nito: "Bakit may bahong patuloy na sumisira sa pagsasamang nakasanayan natin."

 

 

Ilang oras lang ang lumipas, si Neri naman ang may matalinhagang post sa Instagram na tila larawan ng salamin ng bintana na nabasa ng ulan.

Sinamahan naman ito ni Neri ng caption na; "Tag ulan na talaga. Maraming pumapasok sa isipan mo kapag ganito ang panahon. Minsan napapaisip ka.. kahit ginagawa mo na ang lahat, parang hindi pa rin sapat. May kulang pa ba?"

 

 

Bagaman may mga follower ng mag-asawa ang nag-aalala, mayroon din naman na nag-iisip na baka mayroon lang bagong kanta na ginagawa ang vocalist ng "Parokya ni Edgar."

Naging trending topic din sa Pilipinas ang hashtag #ChitoNeriForever.--FRJ, GMA News