Kahit na hindi siya pinakasalan ng kaniyang fiancé na pitong taon niyang karelasyon, itinuloy pa rin ng isang babae ang kaniyang bridal shoot, at nagsilbing inspirasyon sa iba na bumangon mula sa matinding heartbreak.

Sa mga larawan ni Manna Samantha Luna o Sam, na kuha ng Athina de Ocampo Creative Studios, makikita ang kaniyang pagiging blooming habang suot ang wedding gown habang nasa loob at labas ng simbahan.

Pero walang groom na naghihintay kay Sam dahil kuha ang mga larawan dalawang taon matapos na makipaghiwalay ang kaniyang fiancé.

Pitong taon na tumagal ang relasyon nina Sam at ng lalaki.

"May gown na ako, so 'yun. Then one day bigla na lang na ayaw na niya. Ang sinabi niya sa aking reason is hindi niya kayang ibigay 'yung love na binibigay ko sa kaniya," sabi ni Sam.

Hindi naging madali para kay Sam ang pag-move on. Pero pumayag siya sa photoshoot para ma-inspire ang mga dumaan sa heartbreak upang bumangon.

Hindi na nag-uusap si Sam at ang kaniyang dating fiancé, na meron na ngayong ibang karelasyon.

Matapos ang heartbreak, nag-focus si Sam sa kaniyang pangarap na maging doktor. Sisimulan na niya ngayon ang kaniyang medical school.

"First is to acknowledge na wala na. Then after that, i-accept mo na hindi na nga mangyayari talaga. Iiyak mo 'yon, isigaw mo kung anong gusto mong gawin. Basta i-feel mo, mag-grieve ka about it," sabi ni Sam.

"Siyempre kailangan may will ka, kailangan gusto mo rin talagang mag-move on," dagdag pa niya.--FRJ, GMA News