Ginawaran si Nora Aunor bilang Kampeon ng Wika 2021 ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) nitong Martes dahil sa kaniyang ambag sa mga pelikulang Pilipino na sumasalamin sa buhay ng mga Pinoy.
Hindi man nakarating sa mismong araw ng parangal, inihayag ni Ate Guy ang mensahe ng pasasalamat sa komisyon.
"Masaya po akong tinatanggap ang karangalang ito bilang Kampeon ng Wikang Filipino sa taong ito ng Komisyon sa Wikang Filipino. Bagama't isang Bikolana, naniniwala akong kailangan pa nating palakasin at pasiglahin ang wikang nagbibigay sa atin, at natutuwa akong makita ng KWF ang munti kong kontribusyon sa pamamagitan ng aking mga awit at pelikula," saad ni Nora, na binasa ni KFW Commissioner Arthur Casanova.
"Ipinapangako ko pong magpapatuloy ang inyong lingkod sa pagsusulong ng ating mga wika sa Pilipinas. At sa mga magulang, sana po patuloy ninyong turuan na mahalin ng ating kabataan ang ating sariling wika," dagdag ni Ate Guy.
Kabilang sa mga pelikula ni Nora na kinilala sa Pilipinas at sa international community ang mga sumusunod: All Over The World (1967); Guy and Pip (1971); Lollipops and Roses (1971); My Blue Hawaii (1972); And God Smiled At Me (1972); Carmela; Fe, Esperanza, Caridad (1974); Erap Is My Guy (1973); Super Gee (1973); Banaue (1975); Niño Valiente (1975); Tatlong Taóng Walang Diyos (1976); Minsa’y Isang Gamu-Gamo (1976); Kaming Matatapang Ang Apog (1976); Bakekang (1978); Little Christmas Tree (1977); Pag-ibig Ko’y Awitin Mo (1977); Atsay (1978); Ikaw Ay Akin (1978); Huwag Hamakin: Hostess (1978); Mahal Mo, Mahal Ko (1978); Ina Ka ng Anak Mo (1979); Annie Batungbakal (1979); Bona (1980); Kastilyong Buhangin (1980); Himala (1982); Till We Meet Again (1985); I Love You Mama, I Love You Papa (1986); Halimaw (1986); Penoy Balut (1988); Bilangin Ang Bituin Sa Langit (1989); Andrea (1990), Paano Ba Maging Isang Ina? (1990); Ang Totoong Búhay ni Pacita M (1991); The Flor Contemplacion Story (1995); Babae (1997); Naglalayag (2004); Thy Womb (2012); Ang Kuwento Ni Mabuti (2013); Dementia (2014); Kinabukasan (2014); Padre De Pamilya (2016); Taklub (2015); Hinulid (2016); at Tuos (2016).
Bukod sa pagiging beteranang artista, isa ring mang-aawit at prodyuser si Ate Guy, at nakatanggap ng iba't ibang parangal mula FAMAS Award, Gawad Urian Award, Metro Manila Film Festival, Luna Awards, Gawad Tanglaw, at iba pa.
Napanood naman si Nora sa mga Kapuso series na Onanay (2018) at Bilangin ang Bituin sa Langit (2020).
Inanunsyo namang bibida si Nora sa pelikulang "Kontrabida," kung saan kauna-unahan siyang gaganap bilang isang kontrabida sa kaniyang 50 taon sa industriya.
Bukod kay Nora, kinilala rin ang Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika bilang Kampeon ng Wika dahil sa kanilang adbokasiya ng pagpapahalaga sa wikang Filipino at panitikan.
Ang Tanggol Wika ay binubuo ng halos 800 rehistradong kasapi na binubuo ng
alagad ng wika, edukador, mananaliksik, at mag-aaral mula sa iba’t ibang unibersidad sa buong bansa.
Kinilala sa Araw ng Parangal 2021 ang mga personalidad at organisasyon na kabalikat ng KWF sa patuloy na pagpapalakas ng Filipino bilang intelektuwalisadong wika habang pinangangalagaan at pinalalakas ang mga katutubong wika sa bansa. —KG, GMA News