Kabilang si Ferdinand "Ka Freddie" Aguilar sa mga ginawaran ng Dangal ng Panitikan 2021 ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) nitong Martes dahil sa kaniyang ambag sa panitikang Pilipino, pati na sa pagpapahalaga at pagmamahal sa kultura gamit ang kaniyang talento.
Bagama't hindi nakadalo sa aktuwal na parangal sa Makati City, nagpaabot naman ng mensahe ng pasasalamat si Ka Freddie sa komisyon sa isang video.
"Ako po ay taos-pusong nagpapasalamat sa inyo po na bumubuo diyan sa KWF. Mabuhay po kayong lahat! God bless and keep safe everyone," sabi ni Ka Freddie.
Sumikat si ka Freddie sa larangan ng musika dahil sa awitin niyang "Anak," na naisalin sa mahigit na 25 iba pang wika at nailabas sa mahigit na 50 bansa.
Kinilala ng Senado noong 2018 ang mga kontribusyon ng singer-composer sa sining at kultura sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 658, kasabay ng 40th anibersaryo ng paglulunsad ng kantang "Anak."
Bukod kay Ka Freddie, natanggap din nina Eugene Evasco at Domingo Landicho ang Dangal ng Panitikan.
Mahigit 20 taon si Evasco na nagtuturo ng malikhaing pagsulat at panitikan sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman, at nakapaglimbag ng mga aklat, maiikling sanaysay, at mahigit 10 pananaliksik at akdang malikhain sa mga refereed literary journal.
Si Landicho naman ay nakatanggap ng gawad postumo, isa mga iginagalang at kilaláng edukador, iskolar, kuwentista, mananaysay, kolumnista, editor, nobelista, at aktor sa telebisyon at pelikula na nakapagsulat ng mahigit na 50 aklat sa iba't ibang genre.
Kinilala sa Araw ng Parangal 2021 ang mga personalidad at organisasyon na kabalikat ng KWF sa patuloy na pagpapalakas ng Filipino bilang intelektuwalisadong wika habang pinangangalagaan at pinalalakas ang mga katutubong wika sa bansa. —KG, GMA News