Pumanaw na nitong Lunes ng gabi ang kilalang original Pilipino music legend at folk singer na si Heber Bartolome sa edad na 73.

Ito ay kinumpirma ng kanyang kapatid na si Jesse sa panayam kay Mike Enriquez sa Super Radyo dzBB nitong Martes.

Ayon kay Jesse, nakatanggap siya ng tawag nitong Lunes ng gabi na nawalan daw ng pulso si Heber at dadalhin na sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City. Subalit pagkalipas ng ilang minuto ay nakumpirmang nabawian na ito ng buhay.

"Oo, kagabi lang... Ito namatay si utol," ani Jesse sa panayam.

"Biglaan. Masaya pa kami noong birthday niya eh nitong nakaraang Tuesday," dagdag niya.

Ayon kay Jesse, mahigit isang taon nang may bato sa prostate si Heber at baka ito raw ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Kabilang sa mga awitin ni Heber at ng kanyang bandang Banyuhay ay ang "Nena", "Tayo'y Mga Pinoy", at "Istambay".

Naging pinuno rin si Heber ng Filipino Society of Composers, Authors, and Publishers Incorporated (FILSCAP). —KG, GMA News