Dati nang ikinuwento ng mag-asawang Iya Villania at Drew Arellano na may ibang nanliligaw noon sa TV host-actress at nagsilbing "tulay" lang noon si Drew.

Sa programang "Mars Pa More," nagulat ang host na si Iya nang siya ang naging sentro ng segment na "Tarantanong," sa halip na ang kanilang guest na si Sid Lucero.

Kahit ang co-host na si Camille Prats, nagtaka dahil ang tanong para kay Iya ay itinago pa at nakalagay sa envelope.

Nang basahin ni Camille ang tanong, nakasaad kung totoo ba na nanligaw si Sid sa kaniya at si Drew ang naging "tulay."

Napatakip ng mukha si Iya at natatawang sumagot ng "Oo!"

Maging si Sid ay napatawa na rin lang at sinabihan siya na siya na ang magkuwento.

Kuwento ni Sid, isa si Drew ay isa sa mga malapit na kaibigan niya nang panahon na iyon.

Pero napansin daw niya na tila iba ang nagugustuhan ni Iya.

Sa isang episode noon ng programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ni Iya na nagkakilala at nabuo ang love team nila ni Drew nang magkasama sila sa youth-oriented show na "Click."

Noong una pa lang ay hinahangaan na raw ni Iya ang pagkatao ni Drew, na inilarawan niyang "hindi malandi."

"Hindi siya malandi. Minsan gusto ko ngang landiin niya ako pero hindi niya ako nilalandi. Si Drew puro kalabit na lang," natatawang kuwento ni Iya.

Sabi pa ni Iya, "Meron kaming kaibigan, tapos dapat si Drew 'yung magiging tulay. Tapos siguro doon na lang na-realize ni Drew na 'Teka lang, eh type ko rin pala si Iya,' feeling ko ha!"

Sa isa pang panayam noon kay Iya, sinabi niya na naiinis siya noon kay Drew dahil tinatawag siya nitong "sis," gayung gusto niya itong maging nobyo.

Sa isa namang episoden ng Mars Pa More, ibinahagi ni Iya ang unconditional love sa kaniya ng mister nang may magawa siyang matinding pagkakamali sa kanilang relasyon.

--FRJ, GMA News