Hindi nakaiwas si Kim Domingo sa makulit na pagtatanong sa "The Boobay and Tekla Show" kung may nanligaw ba sa kaniya na kasamahan sa "Bubble Gang."

Tinangka ni Kim na iwasang sagutin ang tanong sa segment na "Sasagutin o Kakainin." Kung hindi niya sasagutin ang tanong, kakainin o iinumin niya ang kakaibang putahe at inumin.

"Meron pero hindi ko sasabihin," sabi ni Kim na ayaw talagang ibisto kung sino sa "Bubble Gang" boys ang pumorma sa kaniya.

Nakaisip naman ng paraan ang show para magkaroon sila ng idea na kahit papaano ay malaman kung sino sa "Bubble Gang" boys ang pumorma kay Kim sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga larawan.

Sa larawan, makikita sina Betong Sumaya, Boy2 Quizon, Sef Cadayona, Antonio Aquitania, Paolo Contis, Jak Roberto, Mikoy Morales, at Archie Alemania.

Nang tanungin si Kim kung nasa mga larawan ang nanligaw sa kaniya, Oo ang sagot ng aktres.

Pero kung may manliligaw sa kaniya ang mga Bubble Gang boys na nasa larawan, sino kaya ang sasagutin ni Kim? Alamin ang kaniyang sagot sa video. --FRJ, GMA News