Naibenta ni Johnny Depp sa halagang £3 milyon ($3.6M) ang koleksiyon niya ng artwork ng mga Hollywood at rock icons.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nag-post sa Instagram ang 59-anyos na aktor nitong Huwebes na naka-online sale ang kaniyang mga obra sa Castle Fine Art, nagpapatakbo ng ilang galleries sa United Kingdom.

Nag-post ang art retailer posted ng larawan habang ginagawa ang portrait ng singer na si Bob Dylan, na kasama sa apat na pirasong frames ng mga sikat na celebrity.

Ang koleksiyon ng obra na tinawag na "Friends & Heroes" ay sinasabing "testament to those he has known well and others who have inspired him as a person."

"My paintings surround my life, but I kept them to myself and limited myself. No one should ever limit themselves," anang gallery na mula umano sa pahayag ni Depp.

Kasama rin sa obra sina Al Pacino, Rolling Stone member Keith Richards, at ang namayapang aktres na si Elizabeth Taylor.

Kinalaunan, nag-post sa Twitter ang gallery chain at sinabing "Johnny Depp broke the internet." Nag-crashed umano ang kanilang website dahil sa dami ng gustong makakuha sa mga obra ng aktor.

Nitong Huwebes ng gabi, may nakalagay nang "out of stock" sa mga obra ni Depp na binubuo ng 780 piraso. Nabili ang isang set ng apat na frame ng "icons" sa halagang £14,950 o £3,950 ang isa.

Kamakailan lang, nanalo si Depp sa legal battle kontra sa kaniyang ex-wife na si Amber Heard. -- AFP/FRJ, GMA News