Nasawi matapos pagbabarilin sa loob ng sasakyan ang isang babaeng piskal sa Digos City, Davao del Sur. Ang suspek sa krimen, ang half brother ng biktima.
Sa imbestigasyon ng Digos City Police Station, kinilala ang biktima na si Eleanor Dela Peña, 54-anyos, na agad na nasawi dahil sa tinamong mga tama ng bala.
Sakay ng pick-up truck ang biktima noong Lunes at pauwi na sa bahay nang pagbabarilin siya ng salarin na sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni John Ryan Calonia sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing inaresto ng mga awtoridad kaugnay sa naturang krimen ang 56-anyos na half brother ng biktima.
Naging suspek ang half brother ng biktima batay sa pahayag ng testigo at sa nakitang suspek sa CCTV footage.
Nakuha sa suspek ang ilang gamit na hinihinalang ginamit niya nang gawin ang krimen kabilang ang helmet, jacket, mga bala ng 12-gauge shotgun, mga bala ng baril at magazine sa M16 rifle.
Away sa lupa ang isa sa mga tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen.
Mariin namang kinondena no Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang ginawang pagpatay kay Dela Pena, at nangako itong bibigyan ng hustisya ang biktima, na nagsisilbing assistant provincial prosecutor sa Office of the Provincial Prosecutor sa Davao Occidental.
“There should be no place in society for such barbaric acts, totally abhorrent and sinister, transgressing the most fundamental aspect of humanity and life,” sabi ni Remulla sa pahayag.
Inatasan ng kalihim ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa rin ng imbestigasyon kaugnay sa nangyaring pagpatay sa piskal.—FRJ, GMA Integrated News