Nagkuwento si Vince Flores, o mas kilala bilang si Tito Vince sa social media, tungkol sa napabalita noong Mayo na naghiwalay na sila ng kaniyang partner na si Toni Fowler. Ano nga ba ang dahilan ng kanilang hiwalayan, at paano sila nagkaayos?

Sa programang Good News, sinabing nagsimula noong 2017 ang love story nina Toni at Vince, nang maghanap si Toni ng MC o hypeman para sa kaniyang girl group at nagkataong bakante si Vince.

Habang nagkakalapit sila ng loob, umusbong din ang career ni Tito Vince sa mundo ng social media. Kalaunan, nagkapalagayan ng loob ang dalawa at opisyal na naging magkarelasyon.

Dahil dito, napalapit na rin si Tito Vince sa anak ni Toni na si Tyronia.

“Hindi ako nahirapan kuhanin ang loob ni Tyronia. Una pa lang, nag-click na agad kami. Kakulitan niya, kakulitan ko. Si Tyronia siyempre ang first daughter, first child ko kumbaga,” saad ni Tito Vince.

“Hindi naman siya galing talaga sa akin. Anak ko siya by heart,” dagdag niya.

Ngayon, si Tito Vince na rin ang tumatayong padre de pamilya sa ToRo family, na hango sa mga pangalan nina Toni at Tyronia.

Bago nito, naalala ni Tito Vince na lumaki siyang walang pera dahil nasa ibang bansa ang kaniyang ina habang ang ama niya naman ay may kinasamang ibang babae.

Lumaki silang magkakapatid sa kanilang lola. Noong bata, lagi siyang naiinggit sa kaniyang mga kaklase dahil sa mga bago nilang gamit.


Kaya pangako ni Tito Vince na kapag nagkaroon siya ng anak, ibibili niya ito ng mga bagay na hindi niya nabibili noon. Gaya na lamang ng sapatos, na iniregalo niya kay Tyronia noong nakaraang kaarawan nito.

Niregaluhan din ni Tito Vince si Toni sa kaarawan nito ng P32 milyon na insurance.

Sa kabila nito, dumaan din sila sa pagsubok, lalo nang mahirapan silang makabuo ng sariling anak, na minsan pang naging mitsa ng kanilang hiwalayan.

“Ang dami naming struggles. Ang daming moment na huminto kami, nakipaghiwalay pa siya sa akin kasi sabi niya, ‘Parang hindi naman ibibigay sa atin ito (baby). Sumusuko na siya,” kuwento ni Tito Vince.

“Na-frustrate siya. Sabi niya ‘Ihinto na natin ‘yung pagsubok. Hindi namin alam, noong mga oras na ‘yon na inaaway niya ako, buntis na siya,” dagdag pa niya.

Ngunit nangyari ang isang tila milagro, nang magdalantao rin si Toni. Sinorpresa ni Toni si Vince tungkol sa balita noong Pebrero.

Kamakailan, muli silang nabalita dahil sa hiwalayan umano, kung saan sinabi ni Toni sa kaniyang social media post na “Back to #SingleMom.”

“Ang nangyari po kasi, si Toni, siyempre naglilihi. Pinaglilihian siguro ako. Lahat na lang ng mga negative kong ugali, sinasabi niya sa ate niya, sinusumbong niya. Ako noong moment na ‘yon, ‘Magbanggit ka naman ng mga magandang ugali ko.’ Huwag naman ‘yung puro kasamaan. Napapatulan ko siya, natataasan ko siya ng boses. ‘Yun ang worst po naming away. Naghiwalay kami for eight hours,’” kuwento ni Vince.

Ayon kay Tito Vince, ito ang isang pagkakataon ng kanilang away na hindi niya sinundan si Toni.

“After eight hours, hindi ko na kaya. Sabi ko, ‘Ganito pala ‘yung mundo nang walang Toni Fowler sa buhay ko.’”

Sinuyo ni Vince si Toni at napatawad naman siya. Nilinaw nilang dahil lamang ito sa mga mood swing ni Toni sa kaniyang pagbubuntis.

“Mas pina-practice ko na ‘yung patience ko, mas pahabain pa. Si Toni po ang nagpalabas ng better version ko,” anang vlogger. -- FRJ, GMA Integrated News