Inanunsyo ni Lovely Abella na muli siyang nagpositibo sa COVID-19, at nakararamdam siya ng malalang mga sintomas.

"Positive for the 2ND time around," caption ni Lovely sa kaniyang Instagram, kasama ang larawan ng kaniyang antigen-test.

"Nagpapaalala na nasa tabi tabi lang siya at di nawawala, nagpapaalala na magiingat pa din tayo lalo na ang iba di naman nagiingat, nagpapaalala na ibalik ang dati kung paano tayo katakot [sa kaniya]. Nagpapaalala na dapat isipin mong asymptomatic ang kausap mo at ayaw mong mahawa [sa kaniya]," paalala ni Lovely sa caption ng post.

"Yes vaccinated ako may booster pa pero pakiramdam ko mas malakas siya, mas malala ang symptoms na nararamdaman ko ngayon. Mas natakot ako di para sa sarili ko kundi para sa anak ko at mga mas matanda sakin. Di pa din tayo safe ang mundong ginagalawan natin ay di pa din safe," dagdag niya.

 

 

Ayon kay Lovely, nahawa rin ang asawa niyang si Benj Manalo dahil sa pag-aalaga sa kaniya.

Marami rin siyang plano na naudlot dahil sa muli niyang pagpositibo sa sakit.

"Nag ingat naman ako pero siguro may nakaligtaan ako kaya muli nagkaCovid ako. Kaya please tripleng ingat, malakas siya at kawawa ang mga mahihina ang resistensiya," paalala ni Lovely.

Bago nito, lagi raw pagod si Lovely sa trabaho at bihirang makapagpahinga.

"[K]aya kinalabit din siguro ako ni LORD na kailangan magpahinga di man maganda ang way pero masarap palang magpahinga mula sa work, sa stress at sa social media. Kaya mga kaibigan magpapahinga lang po kami. Babalik ako pag malakas na ako ulit," anang aktres.

Unang nagpositibo sa virus si Lovely noong 2020.--FRJ, GMA News