Handa nang mag-slay sa catwalk ang pambato ng Pilipinas na si Hannah Arnold para sa Miss International 2022.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa “Unang Balita” nitong Miyerkoles, sinabing nakatakda nang lumipad si Hannah sa Nobyembre 30 sa Japan kung saan gaganapin ang 60th anibersaryo ng pageant sa Disyembre 13.
Nagpaabot na ng good luck messages ang kaniyang Binibining Pilipinas sisters sa kaniyang send-off.
Isa sa pinagtuunan ni Hannah ng kaniyang paghahanda ang pasarela.
"In Miss International we're only given a few seconds on stage to showcase our national costumes, swimsuit and evening gown, so you really have to make sure that walk is gonna capture their eyes," sabi ni Hannah.
“Beauties for SDGs” o sustainable development goals ang kampanya ng pageant ngayong taon, na gaya rin sa adbokasiya ni Hannah, na isang forensic scientist.
Nag-aral din si Hannah ng Japanese noong high school kaya pamilyar siya sa kultura ng Japan.
Mas ganado pa si Hannah dahil bukod sa kaniyang pamilya, manonood din nang live ang kaniyang nobyo.
"I was single during my journey but I do have a jowa, and he's been very supportive. So yes, he will be there in Japan, so I'm so excited," sabi ni Hannah.
Humingi rin si Hannah ng suporta sa mga Pinoy para iboto siya sa Ms. International app simula Nobyembre 30 para automatic siyang makapasok sa Top 15 at makuha ang seventh Miss International crown para sa Pilipinas. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News