Siyam na taon na ngayong magkarelasyon, inalala ni Shaira Diaz na hindi niya nagustuhan si EA Guzman noong una sa pag-aakalang chickboy ito.

Sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, ikinuwento ni Shaira na nagkakilala sila ni EA sa isang talent search na sinalihan niya, kung saan naging kapartner niya ang aktor.

"Dapat talaga hindi siya 'yung partner ko, tapos for some reason napalitan, naging siya na. Tapos nagka-crush na siya sa akin," sabi ni Shaira.

Paglilinaw naman ni EA, hindi niya rin nagustuhan noon si Shaira.

"Noong unang magkita kami, as in wala. Sabi ko 'Ah okay siya 'yung makaka-partner ko,'" anang aktor.

Pero dumaan ang mga linggo at unti-unting napansin ni EA ang kagandahan ni Shaira.

"And then siguro three weeks after, nasa isang mall show kami, pababa siya ng backstage, nandoon ako, nakita ko siya, talagang napa-second look ako. Seryoso. Dito ako naniwala sa mga pelikula, nangyayari pala talaga 'yon, 'yung 'pag nakita mo 'yung tao tapos bigla kang mapapaganu'n," sabi ni EA.

"Habang bumababa siya, sinabi ko sa sarili ko 'Okay pala siya, maganda pala siya,'" dagdag ni EA.

Matapos nito, kinuha na ni EA ang number ni Shaira mula sa best friend ng dalaga.

"Hindi ko talaga siya gusto noon. Siguro dahil nadala lang, dahil noong naka-partner ko siya sa show na 'yon, first time ko lang mag-top, top scorer ako noong time na naka-partner ko siya," kuwento ni Shaira.

May pag-aalinlangan din si Shaira noon dahil tila chickboy daw ang dating ni EA.

"Para kasi siyang bad boy, parang chickboy siya. Totoo ba?" pagtanong ni Shaira sa Dabarkads.

Matatandaang si EA ang itinanghal na Mr. Pogi ng Eat Bulaga noong 2006.

"Four months niya akong niligawan. Napansin ko kasi sa kaniya consistent siya, tapos magalang sa mga magulang, tapos laging mabango," kuwento ni Shaira.

"'Yung isang [nagustuhan] ko talaga sa kaniya, dahil sobrang lagi siyang mabango. Kapag magkasama kami, 'yung scent niya naiiwan sa akin so parang, 'Ay naaalala ko siya palagi,'" dagdag ng aktres. — VBL, GMA Integrated News