Ibinahagi ni Jireh Lim na true love story ng kaniyang lolo at lola ang inspirasyon niya sa paggawa ng awiting "Buko (Buhay Ko)." Aniya, school principal ang kaniyang lola na umibig sa lolo niya na isang janitor.
Inilahad ni Jireh ang kuwento sa likod ng "Buko," nang maging isa siya sa guest choices sa segment na "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga" kamakailan.
BASAHIN: Carl Guevarra ng The Juans, naranasan ang kanta niyang 'Di Tayo Pwede'
Mga singer na may hugot songs na umabot sa 70 milyong listener sa Spotify ang pinagpilian.
Pero hindi pa pala umaabot sa 70 milyon ang listener ng "Bukod" at sa isa pa niyang hit hugot song na "Magkabilang Mundo."
Kung bakit wala pa itong 70 milyon, paniwala ni Jireh, marahil ay dahil huli na nang ma-upload ang mga awitin sa streaming platforms.
Nailagay lang umano sa streaming platforms ang Buko at Magkabilang Mundo mga taong 2015, habang sumikat nang todo ang mga kanta ng 2013 o 2014.
"Wala akong label nung time na 'yon. Independent po ako noon kaya late nang nalagay," paliwanag niya.
Nasa 14 million downloads na ang Buko, habang 20 million naman ang Magkabilang Mundo.
Nang tanungin ng mga dabarkads si Jireh kung ano ang inspirasyon niya sa pagsulat ng Buko, sinabi ng singer na hango ito sa kuwento ng pagbihirang love story ng kaniyang lolo at lola.
"Kasi para sa akin sobrang mahiwaga ang pag-iibigan nila," ani Jireh na sinabing mas matanda ng 10 taon ang kaniyang lola na school principal, kaysa sa kaniyang lolo na janitor.
"Sa lugar namin, yung lola ko parang sila yung may- ari ng mga lupa. So siyempre tutol yung family sa lolo ko, pero ipinaglaban niya talaga [yung pag-iibigan nila]," pagbahagi ni Jireh.
Wika ni Wally Bayola, "Parang langit at lupa [ang love story]."
May pagkakataon pa umano na hindi nakakasiguro ang kaniyang lolo kung kailan niya muling makikita ang kaniya lola dahil hindi pa uso noon ang cellphone at messages.
Kasama umano ito sa liriko ng awitin na: "Di ko man alam kung nasaan ka, wala man tayong komunikasyon."
Patuloy pa ni Jireh, minsan din nabanggit sa kaniya ng kaniyang lolo na, "Alam mo ba, yung lola mo ay isang buko," Nang tanungin daw niya kung bakit?
Dito umano niya nadinig ang katagang, "Kasi siya ang buhay ko," tugon ng kaniyang lolo.-- FRJ, GMA Integrated News