Inamin ni Carl Guevarra ng bandang "The Juans," na naranasan din niya ang laman ng awitin nilang "Di Tayo Puwede," na marami ang nakaka-relate sa liriko nitong "pinagtagpo pero hindi itinadhana." Pero bakit tila apektado rin si Wally Bayola?

Kabilang si Carl sa mga guest choices sa segment na "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga," na nakapagmarka ng milyong-milyong listener sa Spotify ang awitin.

Ang kantang "Di Tayo Puwede" na ni-release noong 2018, napag-alaman na umabot na sa mahigit 90 million ang nakapakinig sa Spotify.

Ayon kay Carl, hindi nila inasahan na sobrang sisikat ang naturang awitin. Bagaman nailunsad ang kanta noong 2018, unti-unti umano itong tinangkilik ng publiko pagsapit pa ng 2019.

"Talaga yatang maraming ano... nasawi sa pag-ibig dahil maraming may naka-chat tapos hindi na nireplayan, napuyat pero hindi jinowa," anang singer.

Nang tanungin ng mga dabarkads kung nangyari ba sa kaniya ang istorya ng awitin na pinagtagpo pero hindi tinadhana, sabi ni Carl, "Madalas."

"Kasi ano ako mahilig akong umasa. Dahil mahilig akong mangarap, akala ko lahat ng papangarapin ko maabot ko. Pero minsan pala kahit gaano mo kamahal yung isang tao, kahit anong ibigay mo sa kaniya, kapag hindi siya para sa'yo, magkakasakitan lang kayo," paliwanag niya.

Ayon pa kay Carl, halo-halo ang pinaghugutan niya ng awitan.

"May kuwento ng kaibigan, naririnig mo sa usapan ng kabilang table, pero ako rin first hand naranasan ko," saad niya.

"Mayroon akong na-meet. Tapos nang gusto ko nang umamin na gusto kita, mayroon pala siyang iba," balik-tanaw ni Carl.

Ayon kay Carl, natuklasan niya na best friend niya ang karelasyon ng babae na gusto niya.

"Kasi sikreto yung relasyon nila eh, hindi puwede kasi parehos silang ano...magka-work sila," maingat na paliwanag ni Carl para protektahan ang pagkakakilanlan ng babae at kaibigan niya.

Nang magkahiway ang babae at kaibigan niya, tinangka raw uli ni Carl na manligaw sa babae pero nagkaroon muli ito ng ibang karelasyon.

Pero sa pagkakataong ito, hindi na niya kilala ang lalaki.

Pero bakit kaya tila very much affected si Wally Bayola sa kanta o kay Carl? Panoorin ang video ng Eat Bulaga.--FRJ, GMA Integrated News