Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong ang Kapuso comedy genius na si Michael V. kung totoo ang paniniwala ng iba na great lover o babaero ang mga great comedian.

"Babaero talaga?," natatawang sagot ni Michael V. o Bitoy kay Tito Boy. "Great lover different naman yata 'yon sa babaero."

Natatawang paliwanag ni Bitoy, "Kasi ang asawa ko would attest na great lover yung asawa niya, pero hindi babaero."

Kumbinsido naman si Tito Boy na may exemption na mga komedyante sa naturang paniniwala.

Isa pa umano sa mga paniniwala tungkol sa mga komedyante ay tahimik sa personal.

"Hindi ko namang masasabing mali yung notion na yon. Kasi you need to find space for yourself," paliwanag ni Michael V.

Ginawa niyang halimbawa si Bossing Vic Sotto na nasasabihan na suplado umano sa personal.

"Sinasabi nila dati kay Bossing di ba, 'Si Bossing suplado sa personal.' Pero hindi. Nakakasama naman namin, panay naman ang patawa," paliwanag ni Bitoy.

Maaari umanong pinipili rin lamang o tinitingnan din ng mga komedyante ang mga taong nasa paligid nila.

Sabi pa ni Bitoy, hindi naman lahat ng komedyanteng celebrity ay mahilig magpatawa [sa labas ng trabaho].

Pero nang hingin ni Tito Boy ang pananaw ni Bitoy tungkol sa sinabi noon ni Bossing Vic na "humor is sexy," walang pagtutol ang Kapuso comedian.

"Yes, I believe so. Specially for him [Bossing Vic]," natatawang sagot ni Bitoy.

"Talagang ang lakas maka-pogi [ang humon]. Si Bossing mas gumuwapo nung nag-age," patuloy pa ni Bitoy, na inayunan naman ito ni Tito Boy, at sinabing gumaguwapo rin ang komedyante. --FRJ, GMA Integrated News