Taong 2000 nang mabihag ng mga bandidatong Abu Sayyaf sa Basilan ang ilang mamamahayag, kabilang ang Kapuso broadcast journalist na si Susan Enriquez. Sa segment na "Bawal Judgmental," tinanong ni Joey de Leon si Susan kung tama ang nakuha niyang impormasyon na may lider ng ASG na gusto siyang gawing asawa.

Sa isang episode ng "Eat Bulaga" kamakailan, mga hostage victim o nasangkot sa hostage taking ang naging guest choices sa "Bawal Judgmental."

Ayon kay Susan, kasama ang iba pang mamamahayag, umakyat sila ng bundok sa Basilan kung saan nagkukuta ang ASG para sa media coverage.

Ang pagkakaalam nila, balikan lang ang coverage at bababa uli sila ng bundok sa araw ding iyon. Pero nang magsalita na ang ASG, sinabihan sila na hindi sila makakababa ng bundok hangga't hindi naibibigay ng Basilan government ang hinihingi nilang 200 sako ng bigas.

Ayon kay Susan, labis siyang nag-aalala at umiyak dahil sa pangamba kung makakauwi pa ba siya at kung makikita pa niya ang kaniyang anak.

READ: Susan Enriquez, naiyak nang balikan ang pagkakabihag sa kaniya noon ng Abu Sayyaf

Sa pagbabalik-tanaw niya sa nangyari, sinabi ni Susan na sinubukan pa niyang magdahilan na payagan siyang bumaba at babalik din para maibalita ang kaniyang coverage. Pero hindi rin siyang pinayagan.

Nagtanong naman si Joey kung tama ang nakuha niyang impormasyon na may isang lider ng ASG na gusto siyang gawing asawa o pakasalan.

Pero ayon kay Susan, tinanong siya ng isang ASG leader kung mayroon na siyang anak.

"Tinanong kung may anak ako. Sabi ko oo may anak ako kaya gusto ko nang bumaba. Sinabi lang niya na, 'O, marami ka pang magiging anak dito. Magpaiwan ka na,'" sabi ni  Susan.

Lalo umanong kinabahan si Susan dahil sa sinabi ng ASG leader dahil na rin sa mga nababalitaan noon sa mga ginagawa ng mga bandido.

"Kapag ganun na ang sinasabi sa'yo medyo ano 'to hindi mo puwedeng dedmahin dahil nasa teritoryo ka nila," saad niya.

Ayon pa kay Susan, pinayagan na silang makababa ng bundok pagkaraan ng tatlong araw nang dumating na ang hinihinging bigas ng ASG.

Sa tatlong araw na pagkakabihag sa bundok, halos tulala umano siya, hindi makakain, at hindi rin niya malaman kung papaano niya nagawang hindi magbanyo.

At kung iyak siya nang iyak nang mabihag, hindi rin niya napigilan ang sarili na umiyak pa rin nang payagan na silang umalis.

Sa paglipas ng mga araw, sinabi ni  Susan na nalampasan naman niya ang naranasang trauma sa nangyari pero sinabi niya sa sarili na hindi na siya babalik doon.--FRJ, GMA Integrated News