Ibinahagi ni Sheree ang co-parenting setup nila ng dati niyang partner na si Gian Magdangal sa kanilang anak matapos ang hiwalayan nila noong 2013. Bukod dito, kasundo rin ng dating Viva Hot Babes member at ng kanilang anak ang bagong partner ni Gian.
 
Sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga noong Lunes, isa si Sheree sa guest choices tungkol sa mga mayroong anak sa kanilang ex-partners at nasa co-parenting setup ngayon.

Ayon kay Sheree, salitan sila ni Gian sa pag-aalaga sa 15-anyos na nilang anak na si Haley.
 
“Depende. Pagka kunwari weekends kay Gian or weekends sa akin. Weekday ‘pag walang school, Wednesday, hati talaga,” saad ni Sheree.
 
Sa naturang segment, ipinakita ang isang larawan na magkakasama sina Sheree at Haley, at si Gian at ang bagong partner nito na si Lara Maigue.
 
Nang tanungin kung “okay” si Sheree sa bagong partner ni Gian, “Oo super. I’m really thankful kasi sobrang bait din niya so we get along really well.”
 
“Minsan nga nagmo-mall kami together, ‘yung mga tao na hindi pa nakakaalam na naghiwalay na kami ni Gian, minsan nakatingin sa akin, ‘Ms. Sheree okay lang sa ‘yo?’ Parang ako, ‘Ano ba ‘yan matagal na kaming hiwalay ni Gian,’” kuwento ni Sheree.
 
Ayon kay Sheree, limang taon si Haley nang maghiwalay sila ni Gian, at higit 10 taon na rin silang hindi nagkakasama.
 
Tinanong ni Dabarkads Jose Manalo kung nailang si Sheree sa bagong nobya ni Gian.
 
“Wala. Actually wala na. Kasi sa totoo lang, na-get over ko na ‘yung pain, ‘yung hatred,” saad niya.
 
“We’re in good terms, as in talagang magkasundo kami. Minsan mine-message pa kami kasi she’s a really good singer. Pagka napapanood ko ‘yung videos niya binabati ko siya, ‘I love your voice.’ She’s my favorite opera singer actually,” pag-amin ni Sheree.
 
Bukod dito, close rin daw ang bagong partner ni Gian kay Haley, at ito pa ang nagtuturo sa binatilyo tungkol sa pagkanta.
 
“Yes, very,” ani Sheree. “Nakakatuwa, siya ‘yung nagtuturo ng piano, kung paano mag-piano na nagvo-voicing. So pagdating sa akin ni Haley, alam na niya.”
 
Noong una, hindi pa nauunawaan ng kanilang anak ang nangyari sa kanila ni Gian.
 
“Siyempre may ganoon noon una, tinatanong ako why can’t we be together. Ba’t daw hindi puwedeng magsama kaming apat sa isang bahay?” kuwento ni Sheree.
 
“Siyempre in-explain ko sa kaniya, ‘Hindi puwede. Kasi your dad has his own life na. I have my own. I need to be happy. You should understand that we can’t be together,’” pagpapatuloy niya.
 
Makalipas ang halos isang dekada matapos silang maghiwalay, sinabi ni Sheree na nauunawaan na rin ito ni Haley.
 
“Naiintindihan. At saka what’s good is si Haley is very smart. Naiintindihan niya what’s going on. Naiintindihan niya na we’re not together anymore.”
 
Inilahad ni Sheree na “dating” ang status ng kaniyang love life ngayon, at naghahanda kung paano niya ipaliliwanag sa anak kung sakaling magkaroon na rin siya ng bagong partner.
 
“Siyempre. Kailangan. I mean pagka nasa serious relationship ka na, kailangan medyo makilatis din ng anak ko kung magkakasundo sila, kasi kapag hindi sila nagkasundo, ‘Goodbye. Thank you. Next.’ Kailangan aprubado ng anak,” saad ni Sheree. —VBL, GMA Integrated News