Matapos maghiwalay, nagpasya sina Maui Taylor at ang dati niyang partner na magkatuwang na palakihin ang dalawa nilang anak. Ayon sa aktres, kasama sa kanilang kasunduan na huwag na munang ipapakilala sa mga bata kung magkakaroon sila ng bagong karelasyon.

Sa isang episode ng "Eat Bulaga" sa segment na "Bawal Judgmental," kabilang si Maui sa mga celebrity guest na may kasunduan sa kanilang ex-partner na mag-co-parenting sa kanilang anak.

Ayon kay Maui, nasa isang taon na ang co-parenting set-up nila ng kaniyang ex-partner para magkatuwang nilang palakihin ang dalawa nilang anak na edad pito at siyam.

Dahil mga bata pa ang kanilang mga anak, sinabi ng aktres na kasama sa kanilang kasunduan ng kaniyang ex-partner na huwag munang ipapakilala sa mga bata kung magkakaroon sila ng bagong karelasyon para hindi malito at masaktan ang kanilang mga anak.

Nang tanungin si Maui kung mayroon ba siyang bagong karelasyon ngayon, tugon ng aktres, "I don't have one, and it's very complicated as of now."

Mutual decision din daw nila ng kaniyang ex-partner na maghiwalay. Bagaman walang partikular na mga patakaran, sinabi ni Maui na bukas ang komunikasyon nilang dalawa para sa mga bata.

"Mag-uusap lang kami for the kids. But anything else, anything personal wala. No questions ask," sabi ni Maui.

Mula Lunes hanggang Biyernes, nasa pangangalaga ni Maui ang mga bata, at kukunin ito ng kanilang ama ng Biyernes ng tanghali, at ibabalik sa kaniya ng Linggo ng 11:00 am.

Sinabi rin ng aktres na mas gusto ng kaniyang panganay na kasama siya, habang mas malapit naman daw ang bunso sa ama nito.

Bagaman masakit ang ganoong sitwasyon, sinabi ni Maui na mas mabuti na iyon kaysa pilitin na magsama pa sila ng kaniyang ex-partner na hindi na sila masaya sa isa't isa, at nawala na rin ang respeto.

Sa isang panayam ng "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi ni Maui na nag-ugat ang kanilang hiwalayan dahil hindi nila madalas pag-usapan noon ang kanilang mga naging away.

"There was an existing problem kasi for the longest time. Kasi kami kapag nag-aaway kami, hindi namin siya pinag-uusapan. Biglang 'Oh, okay na tayo.' So ang nangyari 'yung problemang 'yun lumalim nang lumalim. Talagang sobrang lalim na ng hole na 'yun na away-bati, away-bati. Dumating na kami sa point na, 'Huwag na tayong mag-away.' Pagod na kami, tama na ito," kuwento niya. --FRJ, GMA Integrated News