Inihayag ni Maui Taylor na patuloy silang nagsasama ng kaniyang dating partner sa iisang tahanan kahit hiwalay na sila para sa kapakanan ng dalawa nilang anak.

"We are in the same house. It's co-parenting. I know puwedeng mag-co-parent in separate houses. Pero kasi 'yung panganay kasi is very close to me. 'Yung bunso naman sa kaniya," sabi ni Maui sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.

Ayon kay Maui, ayaw niyang paghiwalayin ang dalawa nilang anak.

"Ayokong dumating sa point na paghihiwalayin ko 'yung dalawang bata. Because nagtatanong ako eh sa panganay. 'Mommy is gonna buy a new house. Are you gonna come with me?' 'Oh yes mommy I'm gonna go with you.' Kumbaga si panganay, sasama at sasama talaga sa akin. 'Yung bunso, wala, sa daddy niya," saad ng actress-model.

Dahil sa kanilang set-up, inilahad ni Maui na may usapan sila ng kaniyang dating partner na bawal muna nilang dalhin sa bahay ang kani-kaniyang bagong karelasyon.

"And sabi ko bawal magpakilala. Huwag muna, kasi mako-confuse 'yung kids. We participated as mom and dad," saad ng aktres.

Ikinuwento ni Maui na nag-ugat ang kanilang hiwalayan dahil hindi nila madalas pag-usapan noon ang kanilang mga naging away.

"There was an existing problem kasi for the longest time. Kasi kami kapag nag-aaway kami, hindi namin siya pinag-uusapan. Biglang 'Oh, okay na tayo.' So ang nangyari 'yung problemang 'yun lumalim nang lumalim. Talagang sobrang lalim na ng hole na 'yun na away-bati, away-bati. Dumating na kami sa point na, 'Huwag na tayong mag-away.' Pagod na kami, tama na ito," kuwento niya.

Sa ngayon, single si Maui ngunit wala pang dine-date. Samantala, may narinig naman siya na iba nang dini-date umano ng kaniyang dating partner pero hindi ito kumpirmado.

Tinanong ni Tito Boy kung may pag-asa pang magkabalikan sina Maui at ang kaniyang dating partner.

"Ayoko na eh," saad niya.

Kinumpirma ni Maui sa isang ulat ng Pep.ph, na naghiwalay sila ng kaniyang partner nitong Enero. --FRJ, GMA Integrated News