Dahil na rin karisma at husay sa pag-arte, may mga nagsasabi na si Joshua Garcia ang "next John Lloyd Cruz." Ano kaya ang reaksyon ng "Unbreak My Heart" actor tungkol dito.

“Sobrang flattering, parang gusto ko lang na maglaho na parang bula,” sabi ni Joshua sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes.

Pero paglilinaw ni Joshua, noon niya madalas madinig ang naturang komento, at hindi na ngayon.

Itinuturing niyang karangalan ang naturang bansag na susunod na "John Lloyd Cruz."

“Hindi ko na siya (masyadong) nakukuha. Mabuti siya para sa akin kasi," saad ni Joshua.

"I’m honored na matawag bilang John Lloyd Cruz, nakatulong din siya sa akin, sa karera ko, na tinatawag nila akong ganu’n,” patuloy niya.

Pero paliwanag niya, “Siyempre ako, nandoon ako sa gusto ko rin i-prove na may sarili ako.”

Sinabi ni Joshua na hindi pa sila nakakapag-usap ni John Lloyd tungkol dito sa tuwing magkikita, pero nagkakamustahan sila.

Huli raw silang nagkasama nina John Lloyd, kasama sina Bea Alonzo at Julia Barretto.

Bibida si Joshua sa “Unbreak My Heart,” na historical collaboration ng GMA Network, ABS-CBN, and Viu Philippines.

Sa naturang romantic drama series, ipinakilala si Rose, ginagampanan ni Jodi Sta. Maria, na lumipad pa-Switzerland para hanapin ang kaniyang anak na si Sandra.

Si Gabbi naman ay si Alex, na tinanggihan ng kaniyang boyfriend matapos mag-propose ng kasal.

Pareho nilang matatagpuan ang karakter ni Joshua, na nakararanas ng mga isyu sa pamilya at pera.

Ang karakter naman ni Richard Yap ay bahagi ng nakaraan ni Rose.

Kasama sa cast sina Eula Valdez, Sunshine Cruz, Laurice Guillen, Jeremiah Lisbo, Will Ashley at Maey Bautista. -- FRJ, GMA Integrated News