Nagpaliwanag si David Licauco sa insidente tungkol sa post ng isang fan na suplado umano siya matapos manggaling sa isang show mula sa Canada.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni David na posibleng nangyari ang insidente noong kagagaling lang niya ng Canada at masama ang kaniyang pakiramdam.

Paliwanag ng aktor, lubha umanong malamig noon sa Canada na nagkaroon sila ng show ng ilang kapuwa Kapuso star, at pag-uwi sa Pilipinas, matinding init naman ng panahon ang sumalubong sa kanila.

"I think 'yon 'yung time na nararamdaman ko yung peak ng sakit ko. Naaalala ko hindi ako makapagsalita dahil 'yung phelgm ko, 'yung colds ko nandito lahat eh," sabay turo niya sa dibdib. "Tapos sinisipon ako, nilalagnat ako."

Paliwanag pa ng aktor, "Siyempre kahit sino naman kapag maysakit ka wala ka sa mood. I think 1 a.m. na rin kasi 'yun."

Sa kabila nito, tanggap naman ni David ang pagkukulang niya na dapat inisip pa rin niya ang fans.

"I'll be better. At the end of the day hindi rin naman nila alam na maysakit ako. For me to hurt their feelings at that moment, I take full responsibility," ayon kay David.

Dati nang may mga puna kay David na suplado pero ipinaliwanag niya noon na may epekto ang hindi niya kaagad pamamansin sa kaniyang kondisyon na sleep apnea, na dahilan kaya hindi siya nakatutulog nang maaayos at tila pagod kapag kahit bagong gising.

Sa  naturang panayam, humingi ng dasal si David dahil sasailalim siya sa procedure sa Martes para gamutin ang naturang problema niya sa kalusugan.

Bibida si David sa upcoming movie na "That Kind of Love," katambal si Barbie Forteza. Kasama rin ang dalawa sa upcoming GMA series na "Pulang Araw," na kabibilangan din nila Alden Richards, Sanya Lopez, at Dennis Trillo.—FRJ, GMA Integrated News