Ibinenta ng dating "child wonder" na si Niño Muhlach ang isa sa kaniyang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) trophies kay Boss Toyo na binili ng huli sa halagang P500,000.00.

Sa isang episode ng Pinoy Pawnstar vlog ni Boss Toyo, mapapanood na personal na dinala ng dating child star ang napanalunan niyang Best Child Performer trophies mula sa FAMAS.

"Ako kasi, ang dami kong FAMAS, ang problema nga hindi ko naaalagaan sa sobrang dami," paliwanag ng aktor.

"Ngayon, kung ilalagay mo sila sa museum mo, at ipapa-restore mo, I can give you one," dagdag niya.

Ayon kay Boss Toyo, siya mismo ang nakipag-ugnayan kay Niño para bilhin ang isa sa kaniyang FAMAS trophies.

"Kung meron akong gustong makuhang FAMAS actor, child actor, gusto ko kay idol Niño," saad ni Boss Toyo.

Sa huling bahagi ng video, nagkasundo sina Boss Toyo at Niño sa halagang P500,000 para sa isang FAMAS trophy ng aktor.

"I decided to give it to him, pero big deal, kailangan alagaan niya and i-restore niya and ilagay niya sa museum niya, dahil hindi ko na naalagaan," ayon kay Niño.

Nitong nakaraang Enero, binili rin ni Boss Toyo ang Gawad Urian trophy ng dati ring child star na si Jiro Manio sa halagang P75,000.

Noong nakaraang taon, binili rin ni Boss Toyo sa halagang P500,000 ang jersey ni Francis Magalona na may handwritten letter para kay Abegal Rait, na umano'y naging karelasyon noon ng namayapang Master Rapper.—FRJ, GMA Integrated News