Inihayag ng Department of Health na isang 22-anyos na lalaki ang unang kaso ng vape-related death sa Pilipinas.
Sa isang media forum nitong Biyernes, sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo, na nasawi ang lalaki sa heart attack kasunod ng matinding pinsala sa baga bunga umano ng araw-araw nitong paggamit ng vape sa loob ng dalawang taon.
Ayon pa kay Domingo, pinapataas ng e-cigarettes at vaping ang peligro na magkaroon ng acute myocardial infarction at stroke.
Noong nakaraang taon umano dinala sa ospital ang lalaki na dating walang sakit, base sa isinagawang pag-aaral na nalathala sa Respirology Case Reports journal ng Asian Pacific Society of Respirology ni Dr. Margarita Isabel Fernandez at ilang duktor sa Philippine General Hospital (PGH).
“DOH and PGH raises warning on vape as it cites first Filipino death. Bente-dos anyos na namatay sa heart attack. Ang pinaka striking sa kasong ito 'yung kaniyang heart attack, wala siyang risk factors maliban sa araw-araw siyang nagva-vape for the past two years bago siya atakihin sa puso,” ayon kay Domingo.
Nakasaad din umano sa pag-aaral na dalawang araw na nakaramdaman ng matinding pananakit ng dibdib ang lalaki makaraan ang sports activity na may kasamang dyspnea, diaphoresis, at myalgia.
Nagkaroon din siya ng one-week history ng productive cough, hemoptysis, fever, at may pagsusuka.
“Dalawang arteries sa kaniyang puso ang nabarahan. 'Yung kaniyang lungs merong consolidation ibig sabihin, nagdikit-dikit 'yung loob ng lungs niya,” ayon kay Domingo.
Lumabas din sa pag-aaral na walang history ang lalaki sa paninigarilyo, pag-inom ng alak, o ilegal na droga. Wala rin siyang impeksyon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Dr. Riz Gonzales ng Philippine Pediatric Society Tobacco and Nicotine Control Advocacy Group, kasama ang lalaki sa anim na recorded EVALI cases hanggang nitong May 2024.
"This one is a 22 year old male, healthy, sporty, walang bisyo. Pumunta sa PGH kasi sumisikip ang dibdib tapos may ubo. Pagkita sa lungs niya, puti, 'yung tinatawag nating white out lung. In layman's term, puwede nating sabihin na parang nabura 'yung clear lungs niya kasi binara nung mga vape chemicals," sabi ni Dr. Gonzales.
May isa pa umanong kaso ngayon na naitala sa Alabang na 22-anyos na dating naninigarilyo na lumipat sa paggamit ng vape.
Batay sa Global Youth Tobacco Survey (GYTS), 14% o 1 sa bawat pitong estudyante na edad 13-15 ang gumagamit na e-cigarettes araw-araw— age group na mas bata kaysa sa pinapahintulot ng batas na gumamit ng naturang bisyo.
Isa sa mga dahilan kaya marami umanong nakakagamit ng vape ay mas madali itong mabili.
“Pag nagva-vape tayo, nauusukan 'yung baga ‘yung pinapasukan ng oxygen, nahaharangan. Kaya mga kabataan, nakakasira ng puso ang vape, ‘di ba. ‘Yung puso ninyo, okay lang masaktan ng pag-ibig pero ‘wag ninyong saktan nang vape ang gamit,” paalala ni Domingo sa mga gumagamit ng vape.
Nais ng DOH na itaas ang edad ng pinapayagang gumamit ng vape sa 21 mula sa kasalukuyang 18 sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Vape Law and enacting the Tobacco Illicit Trade Bill compliant with FCTC standards.—mula sa ulat ni Sherylin Untalan, GMA Integrated News

