Isang Pinay na tubong-Basilan ang natagpuang patay at walang suot na damit sa inuupahan niyang bahay sa Kuwait.



Ayon sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, sinabing ang kaibigan umano ang nakakita sa bangkay ng biktimang si Nuhaida Munadjalun.

Nangingitim na raw ang kaliwang paa ng biktima nang matagpuan at kinuha na ng mga awtoridad sa Kuwait pero hindi nila alam kung saan dinala.

Naipaalam na raw sa mga awtoridad sa embahada ng Pilipinas at maging sa mga kamag-anak ng biktima ang nangyari kay Munadjalun.

Inaalaman pa ang impormasyon mula sa mga awtoridad kung ano ang nangyari at dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Ayon pa sa kaibigan ni Munadjalun, dating assistant teacher sa isang paaralan ang biktima pero napaso ang visa niya mula pa noong 2015.

Nangutang raw ang biktima sa employer nito para maayos ang kaniyang visa pero niloko siya.

Gayunpaman, nagtrabaho pa rin doon ang biktima at nag-part time job bilang silbidora sa mga okasyon.-- FRJ, GMA News