Nasa 30 kilo ng hinihinalang cocaine ang mistulang “nalambat” ng apat na mangingisda sa karagatan ng Aparri, Cagayan noong Sabado.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabi ng pulisya na dinala ng mga mangingisda sa kanilang himpilan ang mga ilegal na droga na nakita nilang palutang-lutang sa dagat na sakop ng Barangay Sanja, Aparri West.

Tinatayang nagkakahalaga ng P159 milyon ang nakitang ilegal na droga ng mga mangingisda.

Ayon sa mga awtoridad, dinala ang hinihinalang cocaine sa laboratoryo ang upang masuri.

Samantala, isang high-value drug suspect naman ang nadakip sa operasyon ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Marawi Poblacion, Marawi City.

Nakuha ng mga awtoridad mula sa suspek ang nasa isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.

Mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek na wala pang pahayag.– FRJ GMA News