Tahimik at masayang namumuhay sa Doha, Qatar sina Joy  at  mister niyang si Santos, kasama ang apat nilang anak. Tuwing weekend, naglalaan ang pamilya ng oras na makapamasyal. Pero dahil sa COVID-19, biglang nagbago ang takbo ng kanilang buhay.

Dinapuan ng COVID-19 sina Joy at Santos, pati na ang tatlo sa apat nilang anak. Pero tanging ang padre de pamilya nila ang naospital.

Batid ni Joy na peligroso para sa kaniyang mister ang mahawahan ng naturang virus dahil bukod sa na-bypass na siya (sakit sa puso), diabetic din ang kaniyang mister at high blood.

Habang naka-quarantine at inaasikaso ang mga anak, inaaalala ni Joy ang kalagayan ng mister sa ospital. Hanggang sa malaman niya na lumubha ang kalagayan ng asawa at dinala na sa ICU.

Nang payagan na siyang makalabas sa pagka-quarantine, kaagad na pinuntahan ni Joy ang asawa sa ospital. Pero hindi na niya inabutan na buhay ang kaniyang kabiyak sa buhay.

“Nung pumasok na ako sa ICU, nakita ko nasa body bag na siya. Parang mahirap, mahirap siyang makita na nasa body bag. That time, parang nag-blackout. For a moment parang nag-stop 'yung mundo,” saad niya.

Paano hinarap ni Joy ang matinding pagsubok na ito sa kanilang buhay? Panoorin sa video na ito. #Survivors.-- FRJ, GMA News