Naistorbo ang masarap na pagkakatulog ng isang lalaki na nakababad sa ilog sa India nang hatakin siya ng isang pulis na inakalang patay na siya.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nakatanggap ng tawag ang mga pulis sa Telangana, India dahil sa isang lalaki na ilang oras nang nakababad sa ilog at hindi gumagalaw.

Walang damit ang lalaki pero nakapantalon, at nakalubog ang kaniyang katawan sa tubig at nakaangat ang mukha.

Inisip ng mga nag-report na baka nalunod ang lalaki kaya ipinagbigay-alam nila sa pulisya para puntahan.

Kaagad namang kumilos ang mga pulis para tingnan ang kalagayan ng lalaki na inabutan nilang nakababad pa rin sa tubig at hindi gumagalaw.

Kaya naman ang isang pulis, hinawakan ang isang kamay ng lalaki at hinatak para maialis sa tubig.

Sa pagkakataong iyon, nagising na ang lalaki na makikita sa mukha ang labis na pagtataka.

Habang ang mga pulis, natawa na lang nang malaman na buhay ang lalaki at lasing lang pala at pagod kaya mapasarap ang tulog sa ilog.

Kuwento ng lalaki, pagod siya sa pagtatrabaho sa isang quarry site at madalas na puyat dahil na-e-extend ang kaniyang duty.

Para makapag-relax naman, naisipan daw niyang uminom at kinalaunan ay nakatulog na nga habang nakababad sa ilog.

Ayon sa mga pulis, maayos naman ang lagay ng lalaki bagaman hindi pa rin makapagsalita nang maayos dahil sa kalasingan.--FRJ, GMA Integrated News