Isinilang sa isang pamilya na hindi raw naramdaman ng transgender woman na si Sharmaine ang pagmamahal. Kaya sa edad na 13, naglayas at naghanap siya ng kalinga mula sa iba. At sa paglipas ng panahon, pinangarap niya na magkaroon ng sariling pamilya na matupad kasama ang kaniyang partner na transgender man, na siyang nagdalang-tao para magkaroon sila ng anak na si Zia.

Sa web episode ng #DigiDokyu, ikinuwento ni Sharmaine na isang kontesera at proud na transgender mother, na 12-anyos siya nang maramdaman niya na isa siyang babae na nakakulong sa katawan ng isang lalaki.

Pero ang kaniyang pagiging miyembro ng LGBTQ+ community, hindi raw alam ng kaniyang pamilya.

Walo silang magkakapatid na mula sa Bulacan, at pangatlo siya sa bunso.

Ayon kay Sharmaine, umalis siya ng kanilang bahay dahil hindi niya naramdaman ang prensensiya ng isang pamilya. Sa kaniyang paglalayas, isang miyembro rin ng LGBTQ+ community ang kumopkop sa kaniya, na naninirahan na ngayon sa Canada.

Sa mura niyang edad, hindi raw natakot si Sharmaine na sumama sa ibang tao dahil sa kaniyang paghahangad na makahanap ng pamilya. Isang taon siyang nanatili sa unang kumopkop sa kaniya bago siya ipinagkatiwala kay Mamita Ace na itinuturing niyang pangalawang ina.

"Halos buong buhay ko, siya na halos yung nag-aruga [sa akin], sumuporta sa lahat. Nung dumating si Mamita sa buhay ko, sobrang laking pagbabago talaga," ayon kay Sharmaine.

Si Mamita Ace raw ang nagtulak kay Sharmaine para mag-aral at nagturo sa kaniya na tumayo sa sariling paa sa mabuting paraan.

Sa kaniyang pagtanda, hinangad ni Sharmaine na maging isang ina dahil gusto niyang makompleto ang kaniyang buhay at nagkaroon ng sariling pamilya.

At dumating nga sa kaniyang buhay ang kaniyang anak na si Zia, na apat na taong gulang na ngayon.

Nabuo si Zia nang ipagbuntis ni Kit, isang transman, na partner ni Sharmaine.

Sa kanilang pamilya, si Kit ang nag-aalga sa kanilang anak, at si Sharmaine naman ang nagbibigay ng kanilang pangangailangan.

Ayon kay Sharmaine, dahil kay Zia, natuto siyang magpursige sa buhayat maging responsable dahil batid niya na may anak na siya na kailangang suportahan. Kaya pinasok na rin niya ang online business.

Ang pinakapaborito raw niyang bahagi ng pagiging isang ina, ang alagaan si Zia.

"Nakakawala ng problema. Makita mo lang siya kahit pagod na pagod ka, mawawala talaga yung problema," sabi ni Sharmaine.

Dahil batid ni Sharmaine na darating ang panahon na maaaring magtanong si Zia tungkol sa setup sa kanilang pamilya, ngayon pa lang, ipinapaunawa na niya sa bata na transgender ang kaniyang mga magulang.

Pero paano kung maging transgender din si Zia sa kaniyang paglaki?

"Tatanggapin ko siya, susuportahan ko siya sa kung ano ang gusto niya. Kasi ang purpose natin na mga magulang, tanggapin kung ano ang gusto ng mga anak natin," ayon kay Sharmaine.

"Susuportahan natin kung ano ang gusto nila, kung ano ang hilig nila, o kung ano man ang gender na gusto nila paglaki nila," dagdag niya.

Tunghayan ang buong kuwento ng transgernder mom na si Sharmaine sa video. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News