Wala pang naiuulat na mga Pilipino na nasaktan o nasawi sa pagtama ng 7.2 magnitude earthquake sa Taiwan nitong Miyerkoles, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO).
"Based on our monitoring in Taipei and the reports from our field offices in Taichung and Kaohsiung, and the reports coming from our Filipino communities in Taiwan, there are no Filipino casualties or injuries in the aftermath of the earthquake and the aftershocks," sabi sa pahayag ni MECO chairman Silvestre Bello III.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi naman ni MECO deputy resident representative Alice Visperas, na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga tanggapan sa central at southern Taiwan para alamin ang kalagayan ng mga Pilipino sa lugar.
"Sa awa ng Diyos ay maayos naman ang ating mga kababayan. Wala pa tayong reported as of now na any injuries or casualties among Filipinos, as reported by our Filipino community leaders," ani Visperas.
"Ang atin ding mga empleyado dito ay maayos naman ang kalagayan," dagdag niya.
Sa Facebook post, inihayag naman ng Department of Migrant Workers (DMW) na sinusubaybayan din nila ang sitwasyon ng mga overseas Filipino worker sa Taiwan kasunod nang nangyaring malakas na lindol.
Inihayag din ang pag-activate ng tatlong Migrant Workers Offices (MWOs) sa Taiwan sa kanilang protocols sa Filipino communities, leaders, kinauukulang Taiwan government agencies, pati na ang mga kawani at trade associations upang alamin ang kalagayan ng mga OFW sa isla.
"The Taiwan MWOs are prepared to provide immediate assistance to affected OFWs as necessary," ayon sa DMW.
SInabi ni Visperas na mahigit 150,000 ang mga Pinoy na nasa Taiwan. Sa Hualien na sentro ng lindol at may mga gusaling gumuho, sinabing tinatayang 5,000 Pinoy ang nakabase sa lugar.
Sinabi naman ng DMW na hanggang noong December 2023, aabot sa 66,475 ang OFWs sa Taiwan.
'Nakakatakot'
Ayon kay Bello, maraming Pinoy ang lubhang natakot sa pagtama ng lindol dahil sa malakas na pagyanig sa mga gusali at lupa.
Ang OFW na si Lorence Panquico, sinabing nasa 11th floor siya ng 30-palapag na gusali nang tumama ang lindol.
"Nagsasampay ako ng damit tapos biglang nag-lindol. Dahan-dahan siya hanggang lumakas nang lumakas. Kinabahan ako. Nakahawak na lang ako sa pader,” ani Panquico sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Sinabi ni Panquico na nabasag ang ilang bagay sa kaniyang tinutuluyan sa lakas ng lindol.
Sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Cacdac, na maaaring tumawag ang mga OFW sa 1348 hotline ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), o magpadala ng mensahe sa kanilang official Facebook pages.
"Dumulog lang po do'n. At siyempre ang ating labor representatives on the ground ay nandoon din," sabi ng opisyal sa panayam ng Balitanghali. —FRJ, GMA Integrated News