Apat na Pilipino na ang kabilang sa mga nasaktan sa magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Taiwan noong Miyerkules ng umaga.

Sa post sa X (dating Twitter), inihayag ni Department of Migrant Workers (DMW) office-in-charge Hans Leo Cacdac, na nagtamo ng head injuries ang ika-apat na Pinoy dahil sa mga nagbagsakang debris.

"She is out of harm's way and is being treated by a doctor," ani Cacdac.

Nauna nang iniulat na minor injuries naman ang tinamo ng tatlong Pinoy bunga nang lindol na pinakamalakas na naramdaman sa Taiwan sa nakalipas na 25 taon.

Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na minomonitor ng Migrant Workers Offices sa Taipei, Taichung, at Kaohsiung ang sitwasyon sa Taiwan, upang makapagbigay ng tulong sa mga OFW na kailangan suporta.

Umabot na sa 10 ang nasawi sa lindol, at 18 katao naman ang hinahanap pa.

Kabilang sa mga nawawala ay apat na dayuhan na may nasyunalidad na Indian, Canadian at Australian.

Anim na hikers din ang kabilang sa mga nawawala.

Iniulat ng mga rescuer na ligtas ang nasa 400 katao na nasa isang luxury hotel sa Taroko Gorge national park na hindi kaagad mapuntahan dahil sa pagguho at nasirang mga kalsada. Hinahatiran sila ng tulong sa pamamagitan ng helicopte, at kinuha ang mga nasaktan.

Noong 2016, niyanig din ng lindol ang Taiwan na mahigit 100 katao ang nasawi, habang mahigit 2,000 naman ang namatay 7.3 magnitude quake na tumama noong 1999. —with Reuters/FRJ, GMA Integrated News