Sumakit ang ulo at naospital ang isang pump attendant matapos siyang suntukin ng isang SUV driver dahil sa hindi pagkakaintindihan sa ikakargang petrolyo sa Naga, Cebu. Ang driver, pinagpapaliwanag na ng Land Transportation Office (LTO).

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa kuha ng CCTV ang panununtok ng SUV driver sa naturang pump attendant.

Hanggang sa ilang ulit pa umanong ipinakita ng driver sa attendant ang nakasuksok nitong baril sa kaniyang baywang.

Lumabas sa inisyal na impormasyon ng LTO na nagsimula ang pananakit matapos hindi magkaunawaan ang pump attendant at SUV driver sa ikakargang petrolyo.

Naospital ang pump attendant dahil sa pananakit ng kaniyang ulo matapos ang panununtok.

Nagtamo rin ang pump attendant ng sugat at pasa.

Sinabi ng LTO na tukoy na nila kung kanino nakarehistro ang SUV, na pinapupunta sa tanggapan ng ahensiya, pati na rin ang driver na nanuntok.

Isinailalim din sa alarm status ang sasakyan habang patuloy ang imbestigasyon. —Jamil Santos/KG GMA News