Kumaripas ng takbo at umiiyak na humingi ng tulong sa mga empleyado ng isang establisimyento ang isang 18-anyos na estudyanteng babae na hinalikan at hinawakan umano sa dibdib ng tricycle driver na kaniyang sinakyan sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, ipinakita ang video na kuha ng estudyante na tumatakbo at umiiyak na nagsumbong sa security guard sa isang establisimyento dahil sa pambabastos na ginawa umano sa kaniya ng driver ng tricycle.
Ayon sa biktima, galing siya sa Urdaneta kung saan siya nag-aaral at dumating sa terminal ng mga sakayan sa Dagupan dakong 6:00 pm. Pagkaraan ng halos isang oras, may lumapit sa kaniyag tricycle driver.
“Ni-reject ko siya pero paulit-ulit niya akong [pinapasakay] kasi wala na raw sasakyan. Mayroon daw pong sasakay sa loob kaya doon na lang daw ako sa likod sumakay,” kuwento ng estudyante.
Nang makarating sila sa Barangay Tapuac, napansin umano ng biktima na idinidikit ng driver ang katawan nito sa kaniyang dibdib.
Nagpipilit din umano ang driver na kunin ang kaniyang cellphone number. Hanggang sa inihinto ng driver sa madilim na bahagi ang tricycle at hinawakan siya sa kamay.
Nagsulat umano siya ng pekeng numero ng kaniyang cellphone, at doon na siya hinalikan at hinawakan ng driver sa dibdib.
Inaya pa raw siya ng driver na gumala. Nagkunwari naman ang babae na pumayag pero nang inililiko na nito ang tricycle, bigla na siyang nagtatakbo para humingi ng tulong at nakarating siya sa establisimyento.
Sa kaniyang pagtakbo, nakuhanan ng babae ng larawan ang plaka ng tricycle na tumakas na rin.
Tumawag naman ng pulis ang mga empleyado ng establisimyento na tinakbuhan ng biktima.
Ayon sa pulisya, natunton nila ang plaka ng tricycle sa tulong ng Land Transportation Office. Ipinatawag ang driver nito at positibong kinilala ng biktima na siyang nambastos sa kaniya.
Inihahanda ng pulisya ang reklamong isasampa laban sa driver.
Nagpaalala naman si Rexon de Vera, deputy chief ng Dagupatan City Public Order and Safety Office, sa publiko na laging mag-ingat at huwag sumakay sa mga tricycle na walang sticker o mga kolorum, lalo na kapag walang plaka. – FRJ GMA News
