Binaril at napatay ang isang ginang ng kanyang lasing na kapitbahay na pinilit pumasok sa bahay nito upang makipag-videoke, ayon sa ulat ni Bam Alegre nitong Huwebes sa "Unang Balita."

Kuwento ni Pinky Quiroz, anak ng biktimang si Alicia, tahimik na nagkakantahan ang kaniyang ina at mga kaibigan nito sa kanilang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan nang kalampagin ang gate nila ng suspek.

Umiinom ang suspek na nagngangalang Abraham sa tapat ng kanilang bahay at ninais nitong sumama kina Alicia sa pagkanta.

"Ang sabi naman ng mga babae, hindi daw kasi hindi naman sila kumakanta ng videoke dahil wala naman daw magaling kumanta sa kanila. Nauubos nga 'yung kantang wala daw pong kumakanta," kwento ni Pinky.

"Mas maingay pa nga daw silang nasa labas na nag-iinuman eh," she said.

Umuwi si Abrham sa kanyang bahay upang kunin ang sumpak nito, na siya niyang ginamit upang barilin si Alicia. Nakabalik pa raw si Abraham sa kanilang bahay at nagbantang papatay pa ng iba.

Kilala raw si Abraham, na siyang hinahanap ng pulis, na nagtrabaho bilang hired killer umano noong araw.

Hiniling ni Pinky na makonsensya ang suspek at sumuko na sa awtoridad.

Sa Linggo pa uuwi ang asawang overseas Filipino worker ni Alicia.

Hindi pa alam ng pamilya nito kung kailan siya ililibing. â€”Rie Takumi/KG, GMA News