Patay sa pamamaril ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Dumaguete City ang isang Provincial Board Member ng Negros Oriental. Ang biktima, presidente rin ng Philippine Councilor's League Negros Oriental chapter.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Miguel Dungog, konsehal ng bayan ng Siaton, at ex-officio member ng Negros Oriental Provincial Board.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad si Dungog papunta sa Silliman Medical Center nang sundan siya at barilin sa ulo ng nakamotorsiklong salarin.

Pulitika ang isa sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa nangyaring krimen.

Tumatakbong board member ng third district ng probinsiya ang biktima.

Dati rin umanong ahente ng National Bureau of Investigation ang biktima kaya aalamain sa imbestigasyon kung may kinalaman din ito sa krimen. -- FRJ, GMA News