Patay ang isang barangay captain sa San Pablo, Laguna matapos pagtatagain ng sarili niya mismong inaanak sa kasal, ayon sa eksklusibong ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nagmano pa ang suspek na si Pablito Hernandez sa labas ng barangay hall sa Barangay Sta. Ana.

Maya-maya lang, mabilis na naglabas ng itak ang suspek at biglang tinaga sa leeg ang kapitan. Pinagbantaan din ng suspek ang ilang residenteng nagtangkang umawat sa kanila.

Nagawa pang pumasok sa barangay hall ng biktima ngunit inabutan pa rin siya ng suspek. Doon na siya pinagtataga hanggang sa mapatay.

Tila hindi pa kuntento, pinagtataga rin ng suspek ang ambulansiya ng barangay at tricycle na nakaparada sa labas ng barangay hall.

Maging ang mga rumespondeng tanod ay hinabol ng taga ng suspek.

Naaresto lamang ang suspek nang barilin sa paa ng mga rumespondeng SWAT, na nahaharap sa kasong murder at ginagamot na ngayon sa ospital na para sana sa COVID-19 patients.

Alitan ang nakikitang motibo ng otoridad sa krimen. --KBK, GMA News