Wala nang buhay nang matagpuan ang tatlong kawani sa loob ng stockroom sa kanilang pinagtatrabahuhang kompanya sa Palo, Leyte.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing nangyari ang pagkakadiskubre sa bangkay ng isang babae at dalawang lalaki nitong Miyerkoles sa Barangay Campetic.
Base sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, nawalan ng kuryente sa lugar bago natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima.
Pinaandar umano ang generator sa stockroom na walang bintana.
Ngunit pagkaraan ng ilang oras, hindi na sila makontak ng iba pa nilang mga kasamahan kaya pinuntahan ang stockroom at doon nakita na walang na silang buhay.
Hinihinala ng mga awtoridad na na-suffocate ang tatlo o nalason ng carbon monoxide na galing sa generator.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad. – FRJ GMA News
