Isa pang netizen na nag-alok at nag-post sa social media ng milyon-milyong pisong  "pabuya" sa makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dinakip ng mga awtoridad.

Sa pagkakataong ito, isang babae naman sa Cordova, Cebu ang dinakip ng mga awtoridad dahil sa pag-post na magbibigay daw siyang P75 milyon sa sinomang makakapatay sa pangulo.

Depensa naman ng babae, na-hack daw ang kaniyang account at hindi siya ang nag-post ng naturang alok na patayin si Duterte.

Nahaharap  ang babae sa reklamong inciting  to sedition.

Una rito, isang guro sa Pangasinan at isang construction workers sa Aklan ang magkasunod na inaresto rin ng mga awtoridad dahil sa pag-post sa social media ng alok na "pabuya" para patayin din si Duterte.

Ang guro sa Pangasinan, P50 milyon ang inilagay na halaga sa kaniyang post, habang doble naman o P100 milyon ang halagang binanggit ng lalaki sa Aklan.

Humingi na ng paumanhin ang guro sa naturang post niya at sinabing naghahanap lang siya ng atensiyon nang araw na gawin ang naturang post.

Samantala, isang lalaki rin ang inaresto dahil sa social media post na kita ang kaniyang larawan at nagbabantang papatayin si Duterte.

Pero lumitaw sa imbestigasyon na ang misis pala ng lalaki ang gumawa ng fake account ng kaniyang mister dala ng labis na galit dahil hiniwalayan siya.--FRJ, GMA News