Sinusulit ni Heart Evangelista ang kaniyang oras ngayong panahon ng enhanced community quarantine. Kahit busy sa iba't ibang gawain para makatulong sa kapwa, naglalaan din siya ng panahon para makipag-bonding sa kambal na anak ng Chiz Escudero na sina Chesi at Quino.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing ipinakita sa video vlog ni Heart ang grooming at glow-up time kasama sina Chesi at Quino kung saan siya mismo ang nagbigay ng hair trim at make-up session sa kanila.

Nagsagawa pa sila ng costume party sa bahay at ilan pang laughtrip na prank para maging mas masaya ang pananatili nila ngayong lockdown.

Mapapanood din sa part 3 ng kaniyang video vlog na naglaan si Queen of Creative Collaborations, kasama ang mga ka-quarantine sa bahay, ng oras para personal na i-repack ang donations na kanilang itutulong.

Ipinasilip din ni Heart ang kaniyang mga pinagkakaabalahan habang nananatili sa loob ng bahay, mula sa pagsisimula ng kaniyang araw sa pamamagitan ng bonding time kasama ang mga fur babies, quiet time sa umaga, pagkakape at pakikinig sa music.

Level up na rin ang kaniyang painting dahil may kasama na itong sing-along.

Nag-"decorating diva cap on" din si Heart nang muli niyang ayusin ang kaniyang collections at furniture sa kanilang family room.

Hindi naman nawala ang online kamustahan niya sa mga kaibigan mula sa iba't ibang panig ng mundo.

Matatandaang halos araw-araw tinutugunan ni Heart ang mga humihingi ng tulong sa social media.

Bukod dito, abala rin siya sa pag-source out ng mga maibabahaging supplies, mula personal protective equipment (PPE), face shields, face masks na may kasamang vitamins, kape at iba pang feminine supplies para sa mga nangangailangan lalo sa mga kababayan sa Sorsogon.--Jamil Santos/FRJ, GMA News