Naging kapansin-pansin sa ilang motoristang dumadaan sa isang highway sa Maco, Davao de Oro ang mga taong nakapuwesto sa gilid ng kalsada at nakatutok sa kani-kanilang cellphone.

Pero hindi sila karaniwang mga istambay sa gilid ng highway kung hindi mga guro na dumadalo sa tatlong araw na online seminar ng Department of Education (DepEd) at nagkataon lamang na sa naturang lugar lang sila nakasasagap ng malakas na internet signal.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ang mga guro sa gilid ng highway ay mula sa New Leyte Elementary School at New Leyte National High School.

Ang dinaluhan nilang webinar mula June 17 hanggang 19 ay paghahanda sa "new normal" na pagtuturo sa ilalim ng distance learning sanhi ng COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Jesen Celebre, isa sa mga guro na dumalo sa webinar, 15 minuto ang layo ng lugar na may internet signal mula sa kanilang mga bahay.

“Bakit daw po namin pinost ko ‘yong picture para sa amin po is memories lang po. Wala po kaming intensiyon na sumira sa DepEd at tsaka sa government po,” paliwanag ni Celebre.

Sabi naman ni Ruthwella Domosmog, ‘Di ho kami nagko-complain na wala kaming internet connection or nahihirapan kami dahil alam po namin bilang isang guro na ito lang po ay isa lang sa mga sakripisyo na dapat naming gawin.”

Inihayag naman ni Bregette Kem Ferolino na bahagi iyon ng kanilang sakripisyo sa pagtugon sa kanilang sinumpaang tungkulin bilang guro.

Gayunman, ilang netizen ang naawa sa mga guro at pinuna ang DepEd na wala umanong puso.

Ang DepEd Region 11, pinuri ang pagtitiyaga ng mga guro ng Davao de Oro na makahanap ng paraan upang makasali sa webinar.

Pagpapakita raw ito ng mga guro ng kanilang kahandaan na matuto ng bagong paraan ng pagtuturo dahil na rin sa idinulot ng pandemic.

“[A]nd while news and posts on social media portray DepEd as heartless and unaware of our public teachers’ challenges, these very same teachers are thankful for the opportunity to learn and equip themselves with the skills appropriate for the unique challenges posed by the new normal,” ayon sa DepEd Region 11.

“The teachers in these photos are laudable, let alone edifying. Despite the lack of resources like internet connection, these teachers went out of their way to be connected,” dagdag nila.

Tiniyak din ng DepEd Region 11 na magiging handa ang mga guro sa pagbubukas ng klase sa Agosto.

“No excuses though for lack of equipment or internet connectivity especially in the far-flung areas. But DepEd will make sure the needed resources for the new learning modalities will be provided to them before the opening of classes,” ayon sa DepEd Region 11.--FRJ, GMA News.