Isang 63-anyos na lalaki na unang inakalang namatay sa nasunog niyang bahay ang natuklasang biktima pala ng karumal-dumal na krimen sa Maragondon, Cavite.

Ayon sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, unang inakala na problema sa kable ng kuryente ang dahilan kaya nasunog ang bahay at nasawi ang biktimang si Raulito Aquino.

“Ako’y nagising. Pagbukas ko nga po ng pinto, narinig ko po ‘yung apoy ano hanggang doon sa taniman namin. Paglabas ko ho talaga, nasusunog na ho ‘yung kubo ni Tito Ollie,” sabi Girlie Gonzales, ang kapitbahay ng biktima.

Pero nang magsiyasat ang mga awtyoridad, nadiskubre na may mga saksak at taga sa dibdib at leeg, at palo sa ulo ang biktima.

Hinihinalang pinagnakawan din ang biktima dahil nawawala ang kaniyang wallet, dalawang cellphone, at gold necklace.

Ayon kay Gonzales, hindi raw sana dapat tutuloy ang biktima sa kaniyang resthouse ngunit sumama ang pakiramdan nito at doon nagpalipas ng magdamag.

Dalawang suspek ang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad.--Joahna Lei CasilaoFRJ, GMA News