Patay sa pamamaril ang isang retiradong pulis at kaniyang anak sa Palo, Leyte, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Huwebes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang patawid na ng kalsada ang mag-amang sina Pio at Alfie Penaflor nang pagbabarilin sila ng mga sakay ng isang itim na SUV. Agad bumagsak ang ama habang sinubukan namang tumakas ng anak pero nabaril pa rin siya.

Kahit nakabulagta na ang anak ay pinaputukan pa rin siya ng gunman.

Iniimbestigahan po kung sino ang mga salarin at kung ano ang motibo nila.

Ayon sa pulisya, dati nang nakulong ang mag-ama dahil sa droga. Kalalaya lang daw nila noong isang taon at papunta sana sa isang rehabilitation center bilang kondisyon ng pagpapalaya sa kanila nang sila ay pagbabarilin. —KBK, GMA News