Isang 12-anyos na babae sa Tayabas, Quezon ang nabuntis dahil umano sa paulit-ulit na panggagahasa ng sarili niyang ama, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Kuwento ng ina ng biktima, hiniwalayan na niya ang asawa dahil nagdo-droga umano ito. Naiwan daw ang bata sa ama dahil naghahanapbuhay siya.

Nitong Marso raw napansin ng lola na lumalaki ang tiyan ng bata pero inakala nila na may kasintahan ito kaya nabuntis.

Pero nitong April 12, sinabi ng biktima na noong isang taon pa siya ginagahasa ng kaniyang ama. Tinatakot daw siya nito kaya hindi siya agad nagsumbong.

Nakatakdang magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima sa Lunes.

Nakakulong na ang suspek dahil sa droga. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag. --KBK, GMA News